Archive for August, 2005

tinatamad

Tuesday, August 2nd, 2005

andami-dami kong pwedeng gawin sa oras ko. pwede akong mag-aral hanggang matuyo ang mga mata ko, maging pasas ang brain ko at pulikatin ang mga daliri ko kakasulat… pwede rin naman akong magvaristy at mag-practice hanggang pulikatin yung claf muscles ko, mangalay ang aking kamay hanggang pumatak na lang sila at matuyuan ako ng water sa katawan hanggang mukha na kong dried sampaloc… pwede rin akong mag-guitar ng mag-guitar hanggang sumapal ng todo ang kalyo sa mga daliri ko, tuluyang malagas yung mga kuko ko kaka-strum at matilansikan ng string na gamit na gamit na… kay ganda ng mga kapalit nito… pwede akong maging regular honors student at pag-aagawan ako ng mga kompanya pagtagal, maging super lupet na athlete na halos wala na kong kapantay at maliksi pa ang katawan ko o kaya maging world class musician na nag-uumapaw sa salapi at ang kasikatan ko, daig pa ang araw.

pero anong ginagawa ko ngayon…..

kumakaen hanggang mabondat…. natutulog hanggang sumakit ang ulo…. nakikipag-chat hanggang tumaas ng tuluyan ang electric bill namin… nanonood ng mga pelikula… nagsusulat sa blog… nakikipagkwentuhan… naglalaro ng NBA live at DOTA at pagkatapos ng lahat… magyoyosi… matutulog na ulet… anong maidudulot sa kin nito? headache na wala namang narating kundi mag-champion sa isang liga na hindi naman talaga nabubuhay kundi sa kathang-isip ko lang at sa computer ko, mananaba ako at mahihirapan akong huminga at mauubos ang oras ko nang walang nararating na kahit ano…

alam ko naman ang tama… pero bakit hindi ko ginagawa?

alam ko naman ang mabubuti at masasamang dulot ng oras na hindi nagamit ng maganda. pero anuman ang gawin kong pag-convince sa sarili ko, nauuwi pa rin ako sa mga bagay na nakauubos lang ng oras ko… at walang nakukuhang kahit na ano…

tinatamad kasi ako…

ang hirap-hirap kalabanin nito. karaniwan kasi ng mga sitwasyong kinahaharap ko, pilit kong pinapasok ang pinakamadaling solusyon… para akong tipikal na Pilipino… magbababa na lang ng pasahero, sa gitna pa ng klasada… pagsisilbihan na lang ang bayan… may bahagdan pa siyang napakalaki… ipagpipilitan ang kinikilala niyang "interes ng bayan" pero sa likod ng kanyang utak, sariling interes ang nais mabigyang lunas… makakita lang ng kaunting mali sa sistema, protesta na agad… at inaasam na magbabago na parang magic ang sitwasyon ng kahirapan… magrarally na lang kesa magtrabaho… imbis na kunin ang pera sa legal na paraan, magnanakaw na lang, manggugulang, magbabarker ng jeep o manlilimos… tapos ng lahat ng ito, ang perang naipon ko ay mauuwi na lang sa mga bisyo ko o pambayad ng utang… sa susunod na araw, kayod na naman. kung hindi, ipagdarasal na lang ng mataimtim sa panginoong Diyos na baguhin nawa ang kapalaran ko… pero kapag minalas, sisisihin ko siya…

leche…

paano na ko aasenso niyan? problema’y patong-patong na… dahil tinatamad ako noon pa.

eh kung tamarin pa rin ako lalo, todas na talaga…

mahirap talagang gumising ng maaga… mahirap talagang mamasahe papuntang eskwela o trabaho… mahirap manatiling gising sa magdamagang aral o trabaho. pero kung ulit-ulitin ko ang ganito kasimpleng mga metodo… siguro magiging madali siya sa mga susunod na araw… gaya ng pagkasanay ko sa katamaran ko…

kung aminin ko at tanggapin na wala na talaga akong pag-asa… siguradong wala na kong pag-asa…

kung buhay ko o ng pinakamalapit na tao sa akin ang nakataya, tatamarin pa kaya ako?